Taxi driver arestado matapos singilin ng 6K ang pasaherong Chinese

News

Arestado ang isang driver ng white taxi ng pinagsanib na pwersa ng Terminal 3 at Terminal 1 units ng Airport Police Department matapos nitong singilin ang isang Chinese national at mga kasama nito ng PhP6, 000.00 nitong Biyernes, 02 August 2019.

Inireklamo ni Bb. Wang Wei sa tanggapan ng Terminal 1 police ang driver na kinilalang si Eugene del Rosario.

Pagkalapag mula Dumaguete, bandang alas dos ng hapon kahapon, sumakay si Wang Wei kasama ang dalawang iba pa sa white taxi na may plate number TXV 149 mula NAIA Terminal 3 papuntang Terminal 1.

Sinabihan diumano sila ni Del Rosario na P2,600 ang kailangan nilang bayaran ayon sa “meter rate” na hawak nito. Paglalahad pa ni Wang Wei, binigyan na lang sila ng discount at siningil na lamang ng P6000.00.

Sa takot na maiwanan ng flight pabalik ng China, binayaran na lamang nila ang anim na libong piso at saka nagtungo sa opisina ng T1 Terminal police para magreklamo.

Sa pakikipag-ugnayan ng T1 Police sa T3 Police unit, agad nai-alarma ang plate number ng taxi dahilan para agad mahuli ang inirereklamong driver na si Del Rosario bandang alas kwatro ng hapon habang siya’y nakapila sa taxi lane ng Terminal 3 at naghihintay ng susunod na pasahero.

Nang mahuli ng mga awtoridad, hawak pa ni Del Rosario ang anim na libong pisong ibinayad sa kanya ng grupo ni Bb. Wang Wei.

Napag-alaman ding Official Violation Receipt (OVR) lang ang gamit ni Del Rosario matapos makumpiska ang lisensya dahil sa illegal parking violation nitong ika 8 ng Hunyo 2019.

Samantala, nasa pag-iingat ngayon ng Police Intelligence and Investigation Division (PIID) ang PhP6,000.00 na narekober mula sa driver at agad isosoli kay Bb. Wang Wei kasabay ng paghahain niya ng formal complaint affidavit para masampahan na ng reklamo ang driver.

Nagpasalamat naman si MIAA General Manager Ed Monreal sa bilis ng aksyon ng Airport Police sa pamumuno ni Col. Rizaldy Matito at mga tao nito.

Nagbigay babala rin si Monreal sa mga gumagawa ng illegal na aktibidad at na hindi kukunsintihin ang anumang uri ng pananamantala sa mga lokal o dayuhang pasahero. DOTR/NAIA