PHL awaits delivery of new PNR train sets

News Sourced

Inaabangan na ang pagdating ng anim (6) na bagong bagon ng Philippine National Railways (PNR)!

DOTR photo

Sa ngayon, nakahimpil ang mga bagong rail car sa Surabaya Port sa Indonesia habang hinihintay ang carrier ship na siyang maghahatid ng mga bagon dito sa Pilipinas.

Mula sa nakatakdang departure date na November 30, inaasahang makakarating sa bansa ang 6 na bagon na siyang bubuo ng dalawang train sets (3 bagon kada isang train set), sa December 8 o 9.

Tatakbo ang mga ito sa linya ng PNR na may rutang Tutuban-FTI at Malabon-FTI.

Oras na sumalang ang mga bagong bagon sa linya, tinatayang 18 hanggang 20 biyahe kada araw ang madaragdag sa serbisyo ng PNR, at tiyak na makapagsisilbi ng mas maraming pasahero.

Sa kabuuan, mayroong 37 rail cars na in-order ang PNR mula sa Indonesia.

Mayroon pang natitirang 31 bagon na ide-deliver simula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 2020. Bubuo ang mga ito ng karagdagang 7 train sets na mayroong 4-car at 5-car configuration.

Isinasagawa ang pagpapaunlad sa mga pasilidad at serbisyo ng PNR sa pangunguna ni PNR General Manager Junn Magno, at sa paggabay ni DOTr Secretary Arthur Tugade. DOTR